DRIVER LICENSE NA EXPIRED, PWEDE PANG GAMITIN HANGGANG APRIL 2024

Good news para sa mga hindi pa nakapag-renew at expired na ang driver’s license, dahil ang mga expired na driver’s license mula April 2023 ay pwede pang magamit hanggang April 2024.

Ito ay ayon sa inilabas na kautusan ng Land Transportation Office (LTO).

Pero paglilinaw ng LTO, ang mga valid lamang na mga lisensya ay yung mga nag-expire simula noong nakaraang April 3.

Ayon pa sa ahensya, hindi na kailangang magpunta sa LTO office upang i-renew ang kanilang mga lisensya dahil ito raw ay “automatic” nang na-extend ang validity.

Ang bagong kautusan ay bunsod pa rin ng kakulangan ng supply ng plastic cards.

“EXTENDED po hanggang Abril 02, 2024 o hanggang sa magkaroon ng sapat na supply ng plastic card, ang bisa o validity ng DRIVER’S/CONDUCTOR’S LICENSE na mapapaso o may expiration date mula Abril 03, 2023 hanggang Abril 01, 2024,” saad sa inilabas na pahayag sa official Facebook page ng LTO.

Wala rin umanong multa na ipapataw sa mga nabanggit na lisensya.

Sakali raw na mag-renew, “tatatakan ng ‘Valid as Temporary Driver’s License Until Plastic Card is Released’ ang system generated driver’s license Official Receipt.”

Inisa-isa rin ng LTO ang mga impormasyon na dapat nakalagay sa ni-renew na lisensya, kabilang riyan ang mga sumusunod:

Pangalan ng Issuing Office, Contact Personnel/Cellphone No./email address
Pangalan at pirma ng releasing officer
Screenshot ng driver’s license card (harap at likod) ng kliyente na nakaprint sa likod ng Official Receipt

Sa kabilang banda, ang mga luma o expired na driver’s license ay ibabalik sa may-ari at mananatiling “valid” hanggang sa mapalitan ito ng bagong plastic card.