BASIC LIFE SUPPORT REFRESHER TRAINING, ISINAGAWA NG NUEVA ECIJA PDRRMO
Nagsagawa kamakailan ang Nueva Ecija Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng kanilang taunang Refresher Training on First Aid, Basic Life Support na ginanap sa Provincial Auditorium sa Old Capitol Compound Cabanatuan City.
Ito ay sa pangunguna ni PDRRMO chief Michael Calma kasama ang mga kinatawan ng Provincial Health Office, at Quezon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Layunin ng nasabing training na ma-update at ma-enhance ang kakayahan at kaalaman ng mga tauhan ng PDRRMO para pagdating anumang oras ng sakuna ay handa ang bawat isa sa kanila.
Target din nila na magkaroon ng isa o dalawang representative bawat departamento ng pamahalaang panlalawigan at maging bawat pamilya na may isang dapat na matuto dahil napakahalaga nito lalo na sa emergency cases.
Dito ay itinuro sa kanila ang tamang bilang at tamang diin sa chest compression sa CPR para sa mga na-cardiac arrest o respiratory arrest lalo na sa mga bata, habang wala pa sa pagamutan ang pasyente na nangangailangan ng agarang tulong.
Matapos ang demonstration ay isa-isa ring sumabak sa aktwal na pagbibigay ng CPR ang mga partisipante kung saan sinukat ang kanilang kakayanan base sa kanilang mga natutunan sa lecture at maging sa demo.
Pagkatapos ay tumanggap ng certificate at ID bilang patunay na sila ay maaari nang magbigay ng CPR sa mga emergency cases.