PRUTAS, KAYANG PUKSAIN ANG CANCER CELLS?

Sa unang tingin ay aakalain mong mansanas o green apple ang prutas na ito dahil sa kanyang hugis at lutong kapag kinagat at kinain, pero ang prutas na ito na tinatawag na Taiwan Giant Jujube ay nagtataglay umano ng espesyal na katas na kayang pumuksa ng cancer cells.

Madalas itong mapagkamalang mansanas dahil maging ang puno at dahon nito ay maihahalintulad din sa puno ng mansanas.

Sikat ang jujube sa bansang Taiwan kung saan ay mas advance ang cultivation technology na kanilang gamit ngunit dito sa Pilipinas ay may ilan na ring nagtatanim nito partikular sa isang nursery sa Brgy. Leynes, Talisay, Batangas.

Kung ikukumpara ay mas madaling alagaan ang puno ng jujube na gustong laging pinapainitan kesa sa apple tree, sa lasa naman ay mas matamis daw ito kesa sa mansanas na kung minsan ay may asim at pakla ang lasa.

Ayon sa healthline.com ang jujube ay mayaman sa Vitamin C na nagtataglay ng powerful anticancer properties.

Base sa test-tube studies ng healthline.com ay napatunayan na ang katas ng jujube ay kayang puksain ang iba’t ibang uri ng cancer cells kabilang ang ovarian, cervical, breast, liver, colon at skin cancer cells.

Naniniwala ang mga researchers na kinakailangan pa ng ibayong pag-aaral hinggil sa jujube dahil sa ngayon ay pawang mga test-tubes pa lamang ang naisasagawa.