PHILHEALTH, NANINDIGAN; HACKERS, HINDI BABAYARAN
Naninindigan ang Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth na wala silang balak na bayaran ang $300 o may katumbas na P17 million ransom na hinihingi ng Medusa ransomware na nang-hack sa sistema ng ahensiya noong Biyernes, September 22, 2023.
Sinabi ni Philhealth Senior Vice President Dr. Israel Pargas sa public briefing kahapon na sususnod sila sa no ransom policy ng gobyerno at hindi magbibigay ng ransom sa cyber criminals na nasa likod ng pag-atake sa sistema ng kanilang ahensiya.
Batay sa inisyal nilang imbestigasyon, walang nakompromisong medical information at walang nag-leak na personal information ng mga miyembro ng Philhealth ayon sa Department of Information and Communications Technology o DICT.
Lumitaw din aniya sa kanilang imbestigasyon na 72 workstations ang naapektuhan ng Medusa ransomware kasama na ang website ng Philhealth, ang e-claim system, ang member portal at collection systrem.
Habang sinusulat ang balitang ito ay offline pa rin ang sistema ng Philhealth para masuri kung gaano kalawak ang data breach at para na rin mapangalagaan ang iba pang impormasyon.
Ayon kay Marvy Robledo, Chief Social Insurance Officer ng Local Health Insurace Office ng Cabanatuan City, sa mga may transaksiyon sa Philhealth, habaan ang pasensiya dahil mano-mano ang operasyon nito. Sa mga miyembro na magclaim ng benefits sa hospitals ay maaring humingi ng tulong sa mga Hospital Philhealth Cares dala ang PMRF at supporting documents tulad ng birtch certificate at marriage contract kung kasal.
Para naman sa mga miyembro na magbabayad ng premium payments ay maaring pumunta sa may pinakamalapit na tanggapan.
Patuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon kasama ang National Privacy Commission at ang cybercrime units ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).