NEWBORN SCREENING CENTER-CENTRAL LUZON, IGINAWAD ANG PAGKILALA SA 7 OSPITAL NA PINAMAMAHALAAN NG PGNE

Binigyang pagkilala ng Newborn Screening Center- Central Luzon ang pitong (7) ospital na pinamamahalaan ng Provincial Government of Nueva Ecija sa pamumuno nina Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Gov. Anthony Umali noong buwan ng Agosto.

Ayon kay Nikki Dela Cruz, Program Development Officer ng NSC-CL, isa sa mga naging pamantayan ng kanilang tanggapan ay ang pagkuha ng tamang koleksiyon ng blood samples sa mga kapapanganak na sanggol para sa taong 2022.

Aniya, ang natatanging pagganap ng mga nasabing ospital ay malaking tulong sakanilang layunin na mailigtas ang mas maraming sanggol mula sa congenital metabolic disorder na maaaring maging sanhi ng mental retardation o maagang pagkamatay.

Isa ang Bongabon District Hospital sa mga ginawaran ng nasabing pagkilala na nagpaabot ng pasasalamat sa NSC-CL maging sa suportang ipinagkakaloob nina Gov. Oyie at Vice Gov. Anthony.

Kabilang din sa mga pinarangalan dahil sa kanilang magandang performance sa pagkolekta ng de-kalidad na newborn screening samples at hindi lalagpas sa 1 percent ang nakuhang rejected samples ang Gapan District Hospital, Guimba District Hospital, Sto. Domingo District Hospital, San Jose City General Hospital, Gabaldon Medicare Community Hospital at Carranglan Medicare Community Hospital.

Bukod dito ay mayroon ding 43 Newborn Screening Facilities sa lalawigan ang nakapasasa sa nabanggit na criteria.

Simula pa noong 2017 ay isinasagawa na ng Newborn Screening Center ang pagbibigay ng Certificate of Recognition sa mga ospital at pasilidad na may magandang performance sa pagsasagawa ng test sa Central Luzon maging sa Cordillera Administrative Region.