PAGBABAHAGI NG SALITA NG DIYOS, PURPOSE NG ISANG GINANG NA MOTIVATIONAL SPEAKER
Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, ay nagpatuloy at kumapit lang sa pangako ng Panginoon ang isang trainer na ngayon ay nagbibigay motibasyon sa iba.
Ibinahagi ni Mrs. Alma Mercy Gioketo ang kanyang napagdaanan at kung paano niya nahanap ang kaniyang purpose sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman.
Bilang isang on-call trainer o Motivational Speaker sa Government Agency ay nagiging tulay aniya siya sa pagbabahagi ng mga Salita ng Diyos sa kanyang mga livelihood trainings na kanyang dinadaluhan.
Ito aniya ang kanyang purpose na nagpapasaya sa kanya dahil mayroong mga tao na natututong magpatawad at magpamalas ng pagmahal pagkatapos niyang magbahagi ng salita ng Diyos.
Dati umanong supplier ng Arts and Handicraft Materials sa mga bookstore si Mrs. Gioketo, ngunit noong kasagsagan ng pandemya naapektuhan at nahinto ang kaniyang pag-susupply.
Subalit, sa kabila ng paghinto ng kanyang hanap-buhay ay hindi siya nawalan ng pag-asa, bagkus ay mas lalo siyang napalapit Sa Panginoon.
Kwento ni Mrs. Gioketo ang pagnanais niyang tumulong sa iba at ang pagiging malapit niya sa mga matatanda, ang nagbigay ng konsepto sa kanya upang magtayo ng Elderly Retirement Village.