Maituturing daw na mabait, tahimik at di-makabasag pinggan ang goldendoodle na si Cecil na alaga ng mag-asawang Clayton at Carrie Law sa Pittsburgh, Pennsylvania.

Nang magwithdraw si Clayton sa bangko ng $4,000 o may katumbas na Php220,000 para sa renobasyon ng kanilang bakuran ay inilagay niya ito sa countertop ng kanilang kusina at panandaliang lumabas.

Pagkalipas ng kulang kalahating oras, ang selyadong sobre ay nawala habang ang laman nitong tig $100 at $50 ay nagkapira-piraso dahil sa pagkakanguya at nagkalat sa sahig.

Dahil sa gulat ay napasigaw na lamang si Clayton nang “Cecil ate $4,000”!

Wala pa umanong ginagawang masama si Cecil sa buong buhay niya hanggang sa kainin nito ang $4,000.

Agad namang tumawag ang mag-asawa sa bangko at idinetalye ang nangyari sa kanilang pera.

Sinabi ng bangko na maaari naman daw mapalitan ang mga ito basta ang mahalaga ay may makikita pang mga serial number sa mga punit-punit na perang papel.