Nawalan ng tahanan at dumanas ng depresyon ang isang Novo Ecijanong nurse na taga Zaragoza, Nueva Ecija na kasalukuyang nasa Calgary, Canada mula umano nang iwan ito ng kanyang asawa at sumama sa banyagang lalaki.
Sa video na inupload ng G Pinoy page ay nagpakilala ang lalaking si Joey De Guzman na labing pitong taon nang nasa Canada at dating nagtrabaho sa Nursing Home doon.
Anim na buwan nang namumulot at nagkakalkal ng basura si Joey upang may makain sa araw-araw, bitbit ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang mga papeles.
Ayon kay Joey, nagsusugal ang kanyang asawa at nasaid din nito ang kanyang inipon.
Umaga at gabi din aniya siyang isip ng isip, umiiyak, paikot-ikot at ninais na kitilin na ang buhay dahil sa nangyari sa kanya.
Hindi rin aniya nito ipinaalam sa kanyang mga magulang ang kanyang kalagayan.
Sinabi ni Joey na hindi porke nasa Canada na ang mga Pinoy ay maganda na ang buhay lalo na kapag minalas kahit gaano katatag ay titibagin ng mga problema patunay ng kanyang sinapit doon.
Plano din daw niyang makalabas na sa Pebrero kung matutuloy ang kanyang student loan at planong magcounseling.
Pinakain naman ito ng uploader ng video at sisikaping matulungan si Joey.
Umabot na sa 7million views, 92k shares at mahigit 840k reactions ang video.

