Napilitan umano ang mga magsasaka sa ilang bahagi ng Bongabon, Nueva Ecija na anihin na ang kanilang mga pananim na sibuyas ng mas maaga kaysa tuluyan pa itong masira ng mga harabas.

Ayon sa Bureau of Agricultural Research, isa ang harabas sa mga peste na nagdudulot ng malaking pagkalugi sa mga magsasaka dahil sa pagkain nito ng iba’t-ibang uri ng pananim partikular na ang sibuyas.

Batay sa datos na inilabas ng Bureau of Agricultural Research noong 2021, nagkaroon ng malawak na pinsala ang harabas sa mga pananim na sibuyas sa Bongabon na umabot sa 43
hectares.

Samantalang sa kasalukuyan, ayon sa post sa Facebook ni Herwin Barcelona, sa lawak ng mga taniman sa Bongabon ay halos wala na raw tinirang matinong dahon at laman ng sibuyas ang mga mapaminsalang peste.

Nais lang aniya ng mga magsisibuyas sa kanilang lugar na magkaroon ng maayos at sapat na kita, ngunit dahil sa pinsala ng mga harabas ay maaari silang malugi.

Dagdag pa ni Herwin, hinaing ngayon ng mga magsasaka na magkaroon ng permanenteng solusyon sa ganitong uri ng peste, upang kanilang maagapan ang pagkasira ng mga pananim sa susunod na taniman.