ADOBONG PALAKA, KUMITIL SA BUHAY NG ISANG BABAE SA COTABATO

Malimit na hulihin para lutuin ang mga palakang bukid lalo na sa mga probinsya, dahil kasinglasa din ito ng karne ng manok at ang madalas ngang luto dito ay ang prito at adobo.

Ngunit sa Makilala, Cotabato ay isang babae ang nasawi matapos kainin ang inabodong palakang kanyang nahuli.

Kasama ng biktimang si Marilyn Degemente ang kanyang mga kaanak na kumain din ng adobong palaka na kasalukuyan ding inoobserbahan matapos ang kanyang pagkasawi.

Base sa panayam sa pamilya ng biktima, nahuli ni Marilyn ang palaka sa ilog at nang maadobo na ay kinain niya ang palaka kasama ang atay nito.

Dagdag ng pamilya, namanhid ang bibig, sumakit ang tiyan at sumuka si Marilyn na dinala sa ospital ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay.

Sinabi ng doctor na nagtataglay ng lason ang likido sa bahagi ng katawan ng palaka.

Bagaman hindi natukoy ang klase ng palaka na nakain ng biktima, ang cane toad o karag ang isa sa mga uri ng palaka na hindi dapat kainin dahil nagtataglay ito ng lason
.
Buwan ng Mayo ngayong taon ay limang magkakapatid din ang naiulat na kumain naman ng “baki” o cane toad sa Dipolog City, Zamboanga Del Norte kung saan ang bunso sa magkakapatid na edad apat ay nasawi habang nakaligtas naman ang apat pa nitong nakatatandang mga kapatid.

Tampok naman sa episode ng “Born To Be Wild” noong Agosto ang pagkasawi ng magbayaw sa Mariveles, Bataan na pinulutan ang isang karag.

Sa programa ay ipinaliwanag ni Dr. Nielsen Donato na ang lason ay nagmumula sa parotid gland ng palaka o ang nakaumbok na balat sa kanilang likuran.

Ayon dito, kapag nakagat o nadiinan ng isang predator ang parotid gland ng karag ay lalabas dito ang tinatawag na Bufotoxins na puting tila gatas na substance na siyang lason na umaatake sa puso ng taong makakakain nito at maaaring bawian ng buhay.