BABAENG MAHIGIT DEKADA NANG LANTANG GULAY SA OSPITAL, BIGLANG NANGANAK
Nagsilang ng malusog na lalaking sanggol ang isang babaeng pasyente sa Hacienda HealthCare facility sa Phoenix, Arizona, ngunit paano itong nangyari gayong mahigit dekada na itong nakaratay sa hospital at parang lantang gulay?
Sa inilabas na statement ng pamilya ng babae ay nilinaw nilang hindi comatose ang kanilang anak, kundi siya ay mayroong intellectual disabilities na resulta ng kanyang mga seizure noong kabataan niya.
Ayon sa abogado ng pamilya, hindi ito nakakapagsalita ngunit may kakayahan itong igalaw ang kanyang paa, leeg at ulo at tumutugon sa mga tunog sa pamamagitan ng facial gestures.
Ang bente nueve anyos na hindi na pinangalang pasyente ay nasa mahigit isang dekada nang nasa vegetative state o base sa Brain Foundation ang taong nasa kondisyong ito ay gising ngunit hindi nagpapakita ng anumang senyales ng awareness o kamalayan.
Ngunit paano nga ba siya nabuntis nang hindi man lang namamalayan ng mga tauhan ng ospital hanggang siya ay manganak?
Natuklasan ng isang empleyado na nanganak ang biktima habang pinapalitan niya ito ng damit at laking gulat nang napansin na nagsilang ito ng sanggol.
Base sa imbestigasyon, ilang ulit na hinalay ng hindi pa noon natukoy na salarin ang pasyente kaya naman naghain ang mga imbestigador ng search warrant sa naturang ospital upang makakuha ng DNA samples mula sa lahat ng mga lalaking empleyado nito upang matukoy ang taong responsable sa panggagahasa at pagkabuntis ng biktima.
Habang nag-iimbestiga ang mga otoridad ay nagbitiw sa kanyang pwesto ang CEO ng Phoenix, Arizona, health facility.
Matapos maisagawa ang DNA testing sa pamamagitan ng isang court order ay isang 36-year old na nurse na si Nathan Sutherland ang inaresto ng Arizona Police dahil tumugma ang DNA nito sa DNA ng sanggol.
Ayon sa mga otoridad ang lalaki na isang licensed practical nurse ng Hacienda Healthcare mula pa noong 2011 ay responsable sa pag-aalaga sa biktima mula 2012 hanggang 2018, at pinatalsik na rin sa naturang ospital matapos ang kanyang pagkakaaresto.
Taong 2021 nang masentensyahan ng sampong taong pagkakakulong si Sutherland para sa kasong sexually assaulting an incapacitated woman at tumanggap ng lifetime probation para sa hatol sa pang-aabuso sa bulnerableng babae.
Matapos naman ang insidente ay mas pinaigting ng ospital ang seguridad at presensya ng mga staff sa tuwing lalapitan o kakausapin ang mga pasyente lalo na kapag lalaki ang mag-aasikaso ng babaeng pasyente.

