100 FRUITBAGS NG KABUTE, TULONG PANGKABUHAYAN SA PAMILYA NG PWDs SA CABANATUAN CITY
Ipinanganak na may kapansanan si Sanjo Batisan, 16 na taong gulang ng Barangay Caalibangbangan, Cabanatuan City.
Pagkakarpentero ang hanap-buhay ng kanyang tatay para maitaguyod silang apat na magkakapatid sa kanilang pag-aaral. Ang kanila namang nanay ay nasa bahay lamang.
Kasalukuyang nasa kolehiyo na ang kanyang dalawang nakakatandang kapatid, habang si Sanjo na pangatlo sa kanilang apat ay grade 11 na ngayong pasukan.
Ayon sa nanay ni Sanjo na si Annaliza Batisan, habang nasa bahay ay mayroon itong pagkakabalahan at higit sa lahat ay pagkakakitaan na magagamit pangdagdag baon at pambili ng gamit sa pag-aaral ng kanyang apat na anak.
Bukod umano sa meron silang kikitain araw-araw ay mayroon na rin silang masarap at masustansiyang pang ulam araw-araw, dahil ang mushroom ay mainam na alternatibo sa karne ng manok o baboy.
Pwede itong iluto bilang mushroom sisig, mushroom burger, crispy mushroom, ginataang mushroom o tinatawag na Bicol express, at marami pang iba’t ibang pwedeng putahe
Nais niya rin umanong ibahagi sa kanyang mga kapitbahay ang libreng mushroom lalo na sa walang kakayahang bumili nito eka nga Share your Blessing, dahil nasa mahigit Php200 na rin ang kilo ng mushroom sa palengke.
Malaking pasasalamat ang ipinaabot ng pamilya Batisan sa mga special livelihood project ng Pamahalaang Panlalawigan para sa mga may kapansanan o mga PWDs sa pangunguna nila Governor Aurelio Umali, at Vice Governor Doc Anthony Matias Umali.
Sinimulan noong panahon ng pandemya ang mga proyektong ito na tinatawag na Gulayan sa Bakuran, Microlayering, at itong Kabutehan o mushroom production para mayroong dagdag kabuhayan para sa mga Novo Ecijano.
Inaasahang aabot naman sa kabuuang 2500 na mahihirap na pamilya ng mga dating OFW na nawalan ng trabaho, mga senior citizen, at prayoridad amga PWD ang mabibiyaan ng mga nabanggit na livelihood program.

