BOLUNTARYONG PAGDODONATE NG DUGO, PATULOY NA ISINUSULONG SA NUEVA ECIJA

Aprubado sa 32nd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda bilang kinatawan ng Provincial Government sa isang kasunduan kasama ang Dr. Paulino J. Garcia (PJG) Memorial Research and Medical Center kaugnay sa pagpapatupad ng Republic Act No. 7719 o ang National Blood Services Act of 1994.

Ito ay naglalayong itatag at isaayos ang National Blood Transfusion Network para mapagbuti ang pamamahagi at pagtustos sa sapat na dugo.

Ayon kay Provincial Medical Technologies and Program Manager Rowena Hocson ng Provincial Health Office (PHO), ang Memorandum of Agreement na ito ay isa sa mga requirement upang magkaroon ng certificate of inclusion sa Blood Service Network ang lahat ng mga blood bank ng mga District Hospital sa lalawigan.

Aniya, ang PJGMRMC ang lead blood bank service facility kaya ipinamahala dito ng Department of Health (DOH) ang mga nakokolektang dugo mula sa mga probinsya ng Nueva Ecija, Aurora at Tarlac.

Pagkatapos ng mga Community Blood Donation sa iba’t ibang lugar ang lahat ng dugo na nakokolekta ay dinadala sa PJG upang ma-test at ma-store at ipinamamahagi sa mga blood banks ng mga ospital sa lalawigan na ginagamit sa mga dialysis patient at iba pang pasyente.

Patuloy din ani Hocson ang panawagan ng DOH sa lalawigan at maging sa buong bansa na mawala na ang replacement at isinusulong na magkaroon ng voluntary blood donation.

Hindi naman kasi aniya binibili ang dugo kundi ito ay ipinagkakaloob ng mga taong may mabubuting loob upang makatulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan.