P1.23-B CONFIDENTIAL FUNDS, INILIPAT SA IBANG AHENSIYA AT PROGRAMA NG PAMAHALAAN
Inanunsiyo ng small committee ng House of Representatives na kanilang tinanggal ang P1.23 billion na confidential funds mula sa iba’t ibang civilian agencies. Ang nasabing komite ang inatasan ng Kamara para amyendahan ang panukalang P5.768 trillion national budget para sa taong 2024.
Sinabi ni House appropriations committee chair Elizaldy Co na ang inalis na mahigit P1-Billion halaga ay ililipat sa mga frontline agencies na nagbabantay at nagpoprotekta sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Aniya, ang P300 million ay ibibigay sa National Intelligence Coordinating Agency; P100-million sa National Security Council; P200-million sa Philippine Coast Guard na gagamitin para sa intelligence activities at bala at ang P381.8 million ay mapupunta sa Department of Transportation para sa pagpapaunlad at pagpapalawak ng Pag-asa Island Airport.
Sa halip na confidential funds, gagawaran naman ng Kamara ang mga sumusunod na kagarawan para sa Maintenance and Other Operating Expenses gaya ng:
- DICT: P25 milyon
- DFA: P30 milyon
- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources: P30 milyon
- Office of the Ombudsman: P50 milyon
- Department of Education: P150 milyon na gagamitin para government assistance sa mga mag-aaral at guro sa private education.
Bukod sa paglipat ng confidential funds, idiniin din ni Co na nagpasok sila ng amendments sa 2024 General Appropriations Bill na nagkakahalaga ng P194 bilyon para labanan ang paglobo ng inflation at para “mamuhunan sa kinabukasan ng bansa.”
Para mapahusay ang produksiyon ng pagkain, ginawa ng small committee na maglaan ng P20-billion sa Department of Agriculture para sa rice subsidy program; P40-billionsa National irrigation Administration para mag-install ng solar-driven irrigation pumps at magsubsidize ng communal irrigation; P2 billion sa Philippine Coconut Authority para sa pagtatanim ng punla; P1.5 billion para sa bakuna laban sa African Swine Fever; at P1 billion sa Philippine Fisheries Development Authority para magtayo ng fisheries at post-harvest facilities sa Palawan at Kalayaan Group of Islands.
Kaugnay nito, ikinatuwa ng Gabriela party-list ang pag-alis ng confidential funds sa Office of the Vice President, Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Department of Agriculture at Department of Foreign Affairs habang hinahamon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isuko ang kanyang confidential funds at ilipat ito sa social services.

