TRICYCLE DRIVER SA GUIMBA, LAGING NAKAHELMET: NAGSAULI NG NAIWANG WALLET

Kilala ng mga pasahero ang tricycle driver na si Fernando Rebullo ng CISCO TODA sa bayan ng Guimba dahil kahit na may side car ang minamaneho nitong sasakyan ay nakasuot pa rin siya ng helmet.

Ngayon ay mas nakilala si Fernando dahil sa kanyang pagsasauli ng naiwang wallet ng kanyang naging pasahero noong gabi ng Martes, October 10, 2023, na naglalaman ng pera at dolyar.

Sa ibinahaging post ni Rhey Anselmo sa Batang Guimba page ay sinabi nitong sana daw ay magkaroon ng tiwala ang mga commuters sa mga tricycle drivers dahil sa kabutihang ginawa ng kanilang kasamahan sa TODA na si Fernando.

Kwento ng may-ari ng wallet na si Arvin Centro Tubera, galing siya sa isang kaibigan nung gabihin ito sa pag-uwi nang lapitan siya ni Fernando para aluking sumakay na sa kanya dahil alas onse na ng gabi ay wala pa daw itong kita mula sa pamamasada dahil sa tumal ng mga pasahero.

Matapos magkatawaran sa pasahe ay sumakay na ito sa tricycle upang magpahatid sa Brgy. Narvacan 1 at nagpadaan pa nga daw siya sa bilihan ng pandesal, nakita daw niyang bumili din ng pandesal si Fernando ngunit isang piraso lang ang binili dahil marahil ay gutom na rin ito at wala talagang pambili ng pagkain.

Habang kausap daw niya si Fernando ay naramdaman nyang mabuti itong tao kaya nang malamang nawala ang wallet niya ay panatag siyang maibabalik ito at naging masarap pa ang tulog dahil ramdam niyang hindi nito pag-iinteresan ang kanyang wallet na naglalaman ng kanyang pera, dolyar, ID at mahahalagang cards tulad ng credit cards.

Kinabukasan ay binalikan niya sa paradahan si Fernando na madali naman niyang nakita dahil bukod tangi itong namamasada na may suot na helmet at agad din naman siyang nakilala nito.

Plano naman din daw talagang ibalik ni Fernando ang naturang wallet kapag nagkaroon siya ng biyahe sa gawi ng naturang barangay.

Bilang pasasalamat ay inabutan din ni Arvin ng kaunting halaga si Fernando na ayaw pa aniyang nitong tanggapin pero ipinilit pa rin niya, kaya naman lalo siyang bumilib sa tricycle driver na sa kabila ng kasalatan sa buhay ay kusa pa ring ginawa ang tama.

Kulang naman daw ang salitang salamat ayon sa comment ng ina ni Arvin na si Auring Centro Tubera, dahil naibalik sa kanyang anak ang wallet nito.

Nakatanggap din ng mga positibong komento ang naturang post at sabi nga ng mga netizen sana daw lahat ay may mabuting puso dahil bibihira na daw kasi ang mga katulad ni Fernando.

Tumanggap ng maraming applause at thumbs up ang ginawang ito ni Fernando at marami din ang nagsabing kilala din bilang mabuting tao ang naturang tricycle driver.