NUEVACHAR, SOLUSYON SA PROBLEMA SA LANGAW, MAKATUTULONG DIN SA KALIKASAN AT MATAAS NA ANI NG MGA MAGSASAKA

Napatunayan ng isang poultry farm owner na si Dr. Marcelino Perez, isang veterinarian na ang Nuevachar ang solusyon sa problema sa sandamakmak na langaw na karaniwang inirereklamo sa mga bahayan.

Ayon kay Dr. Perez, maraming benepisyo ang kanyang nakita simula nang gamitin niya ang Biochar noong Setyembre. Isa na nga dito ang pagkawala ng langaw at amoy ammonia sa lugar. Bukod dito ay mas nakatipid siya kumpara sa ipa na dati niyang ginagamit sa kanyang farm.

Sinabi naman ni Atty. Rodeo Nunez, Marketing Director ng ALCOM Carbon Markets Philippines, ang Biochar ay bago lamang sa Pilipinas na pinasimulan ni Nueva Ecija Governor Aurelio “Oyie” Umali sa pagtutulungan ng kapitolyo at ALCOM.

Aniya, nakapagpamahagi na ang Pamahalaang Panlalawigan at ALCOM ng umaabot sa 400 tons na Nuevachar sa 27 munisipalidad at 5 siyudad sa lalawigan na nagkakahalaga ng humigit kumulang siyam na milyong piso. Ito ay naipagkaloob ng libre sa mga magsasaka.

Sa programang Usapang Malasakit sa Lipunan noong October 24, 2023, ibinalita ni Gov. Oyie na malaki ang naitutulong nito sa mga magsasaka upang mapataas ang aning palay. Dahil ito ay organic, maganda ang naging epekto nito sa mga lupain kumpara sa mga kemikal o fertilizer na ginagamit ng karamihang magsasaka na sadyang nakakasira sa lupa.

Dagdag pa ng gobernador, sinubukan na din nila gamitin ang Biochar sa mga pananim na sibuyas at gulay kung saan mas gumanda at lumaki rin ang ani ng mga magsasaka.

Bukod sa zero flies sa mga poultry farm at pagpapataas ng ani ng mga magsasaka, napatunayan din ng Puro.earth na ang NuevaChar ay pumipigil sa pagkasira ng kalikasan.

Hinikayat din ni Gov. Oyie ang mga ricemillers na gawin din ang ganitong pamamaraan upang mas matulungan ang kalikasan at mga lupang tinatamnan ng mga mga magsasaka.