DATING PINANGARAP MAGING NURSE, ISA NANG ASSISTANT DIVISION COMMANDER SA FORT MAGSAYSAY

Nagtungo sa kampo ng mga sundalo sa Fort Magsaysay ang grupo ng Count Your Blessings upang magsagawa ng blood letting activity kasama ang Philippine Army 7th Infantry Division at Philippine Red Cross.

Kasabay ng aktibidad ay nakakwentuhan din sa programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina Cherry Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman ang Assistant Division Commander na si Brigadier General Dennis Pacis.

Ibinahagi ni BGEN Dennis Pacis na noong simula ay hindi niya pinangarap na maging sundalo lalo na’t ang pagiging nurse ang pangarap ng kanyang ina para sa kanya.

Ayon kay BGEN Dennis Pacis, pinakamahirap na karanasan niya sa training ay noong nasa 17 anyos pa lamang siya ngunit kinailangan na malayo at mahiwalay sa kanyang pamilya.

Dagdag pa niya, nahirapan din siya noong pinagsasabay ang academic at physical training, ngunit dahil lumaki aniya siya sa hirap ay kinaya niya rin ito.

Dati na rin umano siyang naitalaga sa Zamboanga Peninsula, Misamis Occidental at Basilan Province kung saan naganap ang digmaan na ikinasawi ng isa sa kanilang kasamahan.

Ikinuwento rin niya na sa kabila ng kanilang pagdadalamhati sa nasawing kasamahan, ay nagpapasalamat pa rin siya Sa Panginoon sapagkat nakaligtas siya at nabigyan pa ng muling pagkakataon upang makita ang kanyang mga anak at asawa na ipinagbubuntis ang kanilang bunsong anak.

Sa loob ng 32 years na serbisyo bilang sundalo, ay hindi umano niya malilimutan ang lahat ng kanyang karanasan mula sa mga trainings hanggang sa kasalukuyan.