MAS PINAIKLING ORAS NG BYAHE, MAS MABILIS NA PAGLALABAS NG PALAY, GINHAWANG HATID NG PAGPAPAGAWA NG GEN.TINIO-STA. ROSA PROVINCIAL ROAD
Kung dati ay kalbaryo para sa mga motorista ang daan mula sa Brgy. Liwayway, Sta. Rosa papasok ng Barangay Nazareth, Gen. Tinio dahil sa malulubak, butas-butas at sira sirang kalsada, ngayon ay ginhawa na ang kanilang nagiging byahe.
Bunsod ito ng naging aksyon ng Provincial Government ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali, sa pamamagitan ng Provincial Engineering Office, na Rehabilitation/Improvement at Upgrading ng Phase 1 ng Gen. Tinio-Sta. Rosa Provincial Road.
Ayon sa residenteng si Alfie Geronimo, maliban sa lubak-lubak na ang kalsada dati ay problema din nila ang putik kaya naman kalabaw o malalaking truck lang ang madalas na nakakadaan dito.
Mula din aniya nang mapasemento ang kalsada ay naglalagi na ito sa bukid hindi tulad noon na mapapagod ka sa paglalakad dahil sa hindi ito mapasok ng simpleng mga motorsiklo.
Napaikli din aniya ang kanilang byahe kung pupunta ng Cabanatuan City dahil kapag dito ka dumaan ay lalabas kana agad ng Bayan ng Sta. Rosa papunta sa naturang lungsod, kumpara sa dati na kinakailangan pa nilang umikot ng Bayan ng Gen. Tinio na tatagpos sa Bayan ng Peñaranda hanggang San Leonardo bago marating ang Sta. Rosa.
Sa panayam kay Provincial Engineer Marlon Hernandez ang Phase 1 ay matagal na nilang natapos na pinondohan ng Php65 Million, ang Phase 2 naman ay kasalukuyan nang nasa 85% ang natatapos at inaasahang madadaanan sa buwan ng Nobyembre ngayong taon.

