SUSUNOD NA ELEKSIYON PARA SA BARANGAY AT SK, GAGANAPIN SA DECEMBER 2025
Dalawang taon lamang magsisilbi o uupo sa pwesto ang mga nanalong barangay at sangguniang kabataan sa nakaraang eleksiyon nitong Oktubre.
Nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema, idineklara na unconstitutional ang Republic Act 11935 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nagpaliban sa sana ay Barangay at Sangguniang Kabataan noong December 2022.
Dahil dito ay itinakda ng Supreme Court na ang susunod na halalan sa mga barangay ay gaganapin sa unang lunes ng December 2025 at pagkatapos nito ay muling ibabalik sa kada tatlong taon ang nasabing eleksiyon.
Ayon kay Atty. Rommel Rama, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Nueva Ecija, tatlong linggo lamang ang ibinigay ng Department of Interior and Local Government sa mga natalong kandidato para maisagawa ang pagsasalin ng responsibilidad sa mga bagong halal na barangay officials.
Kaya naman, inaasahan ang agarang pag-upo ng mga new elected na mga kapitan at kagawad dahil ang kanilang mga papalitan na barangay officials ay nasa hold-over capacity lamang ayon sa desisyon ng Korte Suprema.
Ibinalita rin ni Atty. Rama, mayroong 311 kaso ng premature campaigning, 3 cases ng vote buying, 6 na kaso para sa illegal materials ang kasalukuyang pinoproseso sa main office ng COMELEC. Ito ay mula sa lungsod ng Cabanatuan, San Jose, Gapan at bayan ng Pantabangan.
Dagdag pa ni Rama, somatotal ay naging payapa at maayos ang eleksiyon sa Nueva Ecija kung saan 75 percent sa mga nakarehistrong botante ay bumoto para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election.

