CTSCAN, ULTRASOUND, IBA PANG GASTUSING MEDIKAL, SAGOT NG MEDICAL ASSISTANCE TO INDIGENT PATIENTS PROGRAM

Pinukpukan sa 35th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Department of Health (DOH) Central Luzon Center for Health Development kaugnay sa implementasyon ng Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) Program sa ELJ Memorial Hospital alinsunod sa Republic Act No. 11936 o General Appropriations Act para sa Fiscal Year 2023 na nagkakahalaga ng Php3-milyon.

Ayon kay Provincial Health Officer II Dra. Josefina Garcia, pinakamalaking suliranin ng bawat Novo Ecijano ang pagkakasakit lalo na ang mga walang kakayanang gumastos sa pagpapagamot.

Kung may aasahan man aniyang tutulong sa kanila sa gastusin, ito ay ang MAIP program ng DOH sapagkat sa ilalim nito ay sasagutin na ang ilang mga laboratory procedures tulad ng CTScan, Ultrasound, ECG, pambili ng gamut at iba pang gastusing medical.

Sinabi ni Dra. Garcia na ang bawat District Hospitals sa lalawigan ay nakatatanggap ng MAIP sa magkakaibang halaga, na ang pangunahing layunin ay matugunan ang suliraning pinansyal sa pagpapagamot ng mga mahihirap nating kababayan.

Umaasa aniya sila sa DOH na patuloy na magbababa ng pondo para sa naturang programa at sila naman sa mga pampublikong pagamutan ay gaganap sa kanilang mga tungkulin upang patuloy na makapagbigay ng serbisyo sa mga taong nagkakasakit.

Nagpapasalamat din si Dra. Garcia sa patuloy na pag-agapay ni Governor Oyie sa operasyon ng mga ospital sa probinsya para sa maayos na pagsisilbi sa mga Novo Ecijano.