3 GRUPO, MANGUNGUNA SA MALAWAK NA PAG-AARAL NG PAGGAMIT NG BIOCHAR SA LARANGAN NG AGRIKULTURA

Patuloy na pinag-aaralan ng Provincial Government of Nueva Ecija sa pangunguna ni Gov. Aurelio “OYIE” Umali at ALCOM Carbon Market Philippines Incorporated ang paggamit ng Biochar sa larangan ng agrikultura sa lalawigan.

Noong Miyerkules, November 22, 2023, sinimulan na ng International Rice Research Institute o IRRI ang malawak na pagsasagawa ng research sa pamamagitan ng pagkuha ng soil sample o lupa mula sa tatlong trial farm ng Santa Rosa, San Leonardo at Laur na ginamitan ng Biochar.

Layunin ng isinasagawang pag-aaral ng kapitolyo, ALCOM at IRRI na maipakita hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang magandang epekto nito mula sa pagpapataas ng ani ng mga magsasaka gayundin sa pagbabalik ng sigla sa lupa at malaking tulong sa pagsalba sa nasisirang kalikasan.

Dagdag pa ni Atty. Nunez, sa isinagawang pagtest ng lupa sa mga bukirin ay nakita agad ng IRRI ang magandang epekto ng paggamit ng Biochar subalit kinakailangan pa rin ang masusing pag-aaral para sa kapakanan ng mga gagamit nito.

Matatandaan na nakapagpamahagi ang Pamahalaang Panlalawigan at ALCOM ng umaabot sa 400 tons na Nuevachar sa 27 municipalities at 5 cities sa lalawigan na naipagkaloob ng libre sa mga magsasaka.

Kinilala rin ng Puro.earth, isang kompanyang nakabase sa Finland, ang proyektong Nuevachar ng Pamahalaang Panlalawigan na pumipigil sa pagkasira ng kalikasan. Napatunayan din na ang paggamit ng Biochar ay solusyon para maalis ang masamang amoy at langaw sa mga poultry farm.

Ang Biochar ay isang Charcoal –like substance o parang uling na nagmula sa mga sinunog na ipa, dayami, at mga bao ng niyog na ginawang fertilizer.