Isinailalim sa operasyon ang isang paslit na 10-buwang-gulang matapos na makalunok ng isang crucifix at bumara sa kaniyang lalamunan sa La Libertad, Peru.
Sumailalim ang batang pasyente sa X-ray, doon nakita ang crucifix na nakabara sa kaniyang lalamunan. Halos hindi makapaniwala ang mga doktor sa kanilang nakita.
Malaking hamon sa mga doktor kung paano aalisin ang crucifix dahil posible nitong masugatan ang lalamunan ng pasyente.
Gumamit ng endoscopy ang mga doktor sa operasyon, Makalipas ang ilang oras, matagumpay nilang naialis ang krus. Si Doctor Luis Alberto Esteves Cabanillas, isang Gastroenterologist ang nanguna sa operasyon, gumamit ito ng therapeutic endoscopy at kinailangang maghintay ng anim na oras para mawalan ng laman ang tiyan ng bata dahil nainom niya ang kanyang gatas.
Nasa maayos nang kalagayan ang pasyente at siniguro ng mga doktor na ligtas na ang bata mula sa kapahamakan.
Malaki ang pasasalamat ni Mari Carmen Sejami Rosas sa mga Doctor sa Victor Lazarte Echegaray Hospital sa Trujillo, Peru, kung saan itinuturing nila itong milagro at biyaya kanyang sanggol.
Hindi naman tinukoy sa mga ulat kung saan nakuha ng bata ang crucifix.

