ISANG KABATAAN NA MAY PROBLEMA SA PUSO, NAKATANGGAP NG 100 FRUITBAGS NA KABUTE SA KAPITOLYO
Kabilang sa mga nakatanggap ng 100 fruitbags ng kabute mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang isang kabataan mula sa Brgy. Caalibangbangan, Cabanatuan City.
Si Steven John Castillo ay 13 taong gulang at may sakit na Rheumatic Heart Disease simula noong 2021.
Kasalukuyan siyang naggagamot at gumagastos ng halos P1,000 sa kanyang maintenance sa kada 20 araw para hindi lumala ang kanyang karamdaman.
Ayon kay Rudy Castillo, tatay ni Steven, malaking tulong sa tulad niyang nagro-rolling ng ulam at nagpapaarkila ng videoke ang ipinagkaloob ng kapitolyo na Kabutihan Mushroom Fruitbags para sa kanyang anak na miyembro ng Persons with Disability o PWD sa kanilang lugar.
Dahil dito ay nagkaroon siya ng karagdagang kita na kanyang ipantutustos sa mga kailangan sa eskwelahan at pagpapagamot ni Steven, pati na rin ang mga gastusin sa bahay at pag-ulam ng kaniyang pamilya.
Laking pasasalamat ni Mang Rudy sa kapitolyo sa pangunguna nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Anthony Umali dahil sa suportang ibinibigay sa mga PWD sa lalawigan.

