TANIMAN NA KAYANG TUSTUSAN NG PANTABANGAN DAM SA DRY SEASON, NASA HIGIT 90,000 EKTARYA LAMANG

Mula sa 147,000 hectares na target mapatubigan ng National Irrigation Administration- Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems, umaabot na lamang sa 95,400 ektaryang bukirin ang kakayaning tustusan ng Pantabangan Dam sa darating na dry cropping season.

Ayon kay Engr. Gertrudes A. Viado, Acting Department Manager ng NIA-UPRIIS, sa oras na maramdaman ang El Nino sa pagsisimula ng taong 2024 ay hindi sasapat ang maibibigay na patubig ng nasabing dam sa 50,400 na taniman sa Nueva Ecija partikular na sa mga bayan ng San Antonio, Licab at Zaragoza at ilang bukirin sa Tarlac at Pampanga. Batay sa pinakahuling tala na inilabas ng Dam Operating Managing Agencies noong December 7,2023, nasa 201.87 metro ang water elevation ng Pantabangan Dam.

Kwento ni Engr. Viado, ginagawan ng paraan ng kanilang tanggapan na maabot hanggat maaari ang mga nasa dulo ng canal irrigation upang madagdagan ang suplay na kinakailangan sa mga bukirin ng mga magsasaka.

Patuloy ang kanilang isinasagawang system of management council meeting upang ipaalam ang mga pamamaraang makakatulong sa mga magsasaka para makatipid sa pagpapadaloy ng tubig sa mga irigasyon gaya ng Alternate Wet and Drying method at rotational basis. Ipinapaalam rin sa kanila ang tamang panahon ng pagtatanim at mga lugar na pwedeng mapatubigan o hindi.

Pinayuhan din ni Viado ang mga magsasaka na magtanim ng ibang diversified crops tulad ng monggo, mais, sibuyas at iba pang gulay na hindi kinakailangan ng maraming tubig at siniguro na katulong ang Department of Agriculture para sa pagbibigagy ng binhi sa mga magsasaka.

Kabilang rin sa mga solusyon ang pagsasagawa ng cloud seeding na kanilang huling option para na rin sa kapakanan ng mga nagtanim ng sibuyas sa lalawigan.

Samantala, umabot sa 145,000 hectares na bukirin ang napatubigan ng NIA-UPRIIS sa nakaraang cropping season kung saan hindi pa ginamit ang cloud seeding o ang paghahagis ng asin sa ere para umulan sa mga lugar na hindi pa nakakaranas ng pag-ulan.