KAUNA-UNAHANG TRIPLE A SLAUGHTER HOUSE SA REGION 3, ITATAYO SA NUEVA ECIJA
Aprobado na sa mga hog grower ng Nueva Ecija ang pagpapatayo ng Triple A Slaughter house matapos ang ikatlong public consultation.
Layunin ng pagpapatayo ng modern at makabagong pamamaraan ng katayan ang makapagbigay ng malinis, ligtas at higit sa lahat de-kalidad na karne ng baka, baboy at kambing para sa pamilyang Novo Ecijano.
Ang triple A slaughterhouse ay priority project ni Governor Aurelio Umali para maiwasan ang pagkakaroon ng contamination sa mga karne na nabibili sa palengke.
Itatayo ang katayan sa Brgy. Tabuating, San Leonardo sa 6.2 ektarya ng lupa na pag aari ng kapitolyo.
Ayon kay Dr. Joebeat Agliam ng Office of the Provincial Agriculture, ang Nueva Ecija ang kauna-unahang magkakaroon ng government- owned na may Class ‘AAA’ accredited abattoir sa buong region 3 kung saan 80-90% nito ay computerized na.
Kapag natugunan ang “AAA” standards, nangangahulugan ito na ang Nueva Ecija ang may pasilidad na world-class, globally competitive at awtorisadong makisali sa pagkatay ng mga baboy, baka, kalabaw, at kambing para sa internasyonal na kalakalan.
Naniniwala ang asosasyon ng mga meat processor sa lalawigan na ang pagtatayo ng Triple A slaughterhouses ay makakatulong sa mga hog farmers na kumita ng mas malaki dahil maaari nilang direktang ibenta ang kanilang karne sa mga mamimili gamit ang mga pasilidad na ito.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ng OPA sa sa Gobernador sa pagbibigay ng mataas na antas ng agricultura at maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga magsasakang Novo Ecijano.

