SSS, HINIHIKAYAT ANG MGA PENSIYONADO NA UMUTANG SA MABABANG INTERES KAYSA KUMUHA SA ATM LENDERS

Nanawagan ang Social Security System o SSS sa mga retiree pensioners na samantalahin ang mababang interes ng kanilang Pension Loan Program sa halip na umutang sa mga ATM lenders.

Sa aming pahayag kay SSS Cabanatuan Branch Head Jose Rizal Tarun, sinabi nito na inilunsad ang PLP noong 2018 para tulungan ang mga kwalipikadong retired pensioners kung biglang mangailangan ng pera. Ito ay may interes lamang na 10 percent sa loob ng isang taon na higit na mas mababa kaysa sa mga pinagsasanglaan ng mga ATM cards.

Bukod sa mababang interest rate ay wala namang sinisingel na processing o service fee sa mga pensiyonadong mangungutang ng PLP. Hindi rin totoo na inoobliga ng tanggapan ang mga nangungutang na i-surrender ang kanilang ATM bilang kolateral.

Upang makahiram sa ilalim ng PLP, kinakailangan lamang na matugunan ang mga sumusunod na kondisyon:

  • Hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;
  • Walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, gaya ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;
  • Walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package (CAP);
  • Tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang buwan;
  • Kailangang naka-update ang mailing address at mobile number ng pensioner.

Dagdag pa ni Tarun,ang maaring mautang ng mga pensioners ay katumbas ng tatlo hanggang 12 buwan ng kanyang tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinapahiram sa ilalim ng PLP.

Ayon pa kay Tarun, ang pension loan na katumbas ng tatlo hanggang anim na buwan ay babayaran sa loob ng 6 hanggang 12 buwan habang ang nahiram na siyam hanggang labindalawang buwang pensiyon ay pwedeng hulugan sa loob ng dalawang taon.

Sa mga retiree pensioners na interesadong mag-avail ng PLP ay maaaring magsumite ng kanilang loan applications sa pinakamalapit na SSS branch office o via online sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account.