NUEVA ECIJA LOVING ANGELS, NAKATANGGAP NG REGALO MULA SA PROGRAMANG COUNT YOUR BLESSINGS
Nagbahagi at naghanda ng kids party ang programang Count Your Blessings nina Former Governor Czarina ‘Cherry’ Domingo-Umali at Dra. Kit de Guzman para sa mga kabataan ng Nueva Ecija Loving Angels o NELA.
Ang NELA ay isang organisasyong naglalayon na makatulong sa mga magulang lalo na sa mga kabataan na mayroong kapansanan.
Ayon sa founder ng NELA na si Arlyn Ruiz, nabuo ang kanilang grupo noong taong 2019 dahil ang kanyang sariling anak mismo ay mayroon ding kapansanan at nais niyang makatulong sa mga katulad nito.
Dagdag pa ng founder na si Arlyn, nagsimula ang kanilang organisasyon sa 10 hanggang 15 na miyembro lamang, at sa kasalukuyan ay umabot na sa 28 ang mga miyembro na binubuo ng mga Loving Angels na nasa edad 1 hanggang 21 taong gulang.
Kabilang sa mga bata ay mayroong kapansanan na Congenital Diaphragmatic Hernia (CDH), Hydrocephalus, Microcephaly, at ang kanyang anak ay mayroong Cerebral Palsy (CP).
Labis naman ang pasasalamat ng founder sa programang Count Your Blessings dahil ang ilan sa mga bata ay unang beses pa lang nakalabas dahil kadalasan lamang lumalabas ang mga ito kapag araw ng check-up o therapy.
Samantala, sa kabila ng pagbuo ng founder ng organisasyon at pagtulong sa mga bata na mayroong kapansanan, ay nakita niyang hindi sila pinabayaan Ng Panginoon.
Bilang isang ina ng special child, ay palagi niyang ipinagdarasal ang malusog at malakas na pangangatawan ng kanyang anak pati na rin ng ibang may kapansanan upang mas makasama pa nila ng mas matagal.

