MABABANG ANI NG PALAY SA NUEVA ECIJA, EPEKTO UMANO NG CLIMATE CHANGE
Patuloy umanong nakikipagtulungan ang Office of the Provincial Agriculturist o OPA sa National Irrigation Administration (NIA) matapos maging limitado ang supply ng tubig na isa sa nakikitang sanhi ng pagbaba ng aning palay sa Nueva Ecija.
Bumaba kasi sa humigit kumulang 995,000 tonelada ang inani ng mga magsasaka sapagkat noong kasalukuyang namumulaklak ang mga tanim na palay ay nasabayan ng sunod-sunod na pag-ulan.
Kaya naman gumaan umano ang timbang ng mga palay dahil sa pabago bagong panahon, kaya’t hindi naabot ang target na 1,100,000 tonelada.
Ngunit sa kabila nito, ayon sa OPA, nangunguna pa rin ang lalawigan ng Nueva Ecija sa buong Region III na may pinakamataas na produksyon ng palay.
Bukod sa climate change, ay isa rin ang rice black bug o alitangya sa tinitignang dahilan ng pagbaba ng aning palay, pero wala pa raw matibay na ebidensya na may epekto nga ang mga ito.
Sa paliwanag ng Regional Crop Protection Center (RCPC), ‘less damaging’ ang mga rice black bug sa Nueva Ecija.
Ang climate change pa rin ang nakikita ng OPA na pangunahing rason ng pagbagsak ng ani, ngunit hindi pa rin nila inaalis ang posibilidad na maaari ring dahilan ang mga peste kaya’t patuloy nilang iniimbestigahan ang mga palayan upang malaman kung ano ang gagawing hakbang nang sa gayon ay maging maayos ang ani ng mga magsasaka sa susunod na taniman.

