12 ARAW NA TIGIL PASADA, IKINASA NG MGA TRANSPORT GROUP
Mula Lunes Dec.18, sinimulan ang 12 araw na tigil-pasada ng ilang transport group upang ipanawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kanilang mga karaingan.
Sa pahayag ng grupong Manibela, hinihiling nila sa Malacañang na palawigin ang kanilang provisional authority at prangkisa.
Kasama ng Manibela sa tigil-pasada ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston).
Una nang nagbabala si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na babawian ng prangkisa ang mga jeepney operator na hindi susunod sa franchise consolidation na matatapos sa Disyembre 31, 2023.
Kasunod ito ng inilabas na Memorandum Circular No. 2023-51 na nilagdaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Huwebes (Disyembre 14) na kapag hindi nakasunod sa consolidation ang mga jeepney operator ay babawiin ang kanilang permit na inisyu para sa lahat ng individual public utility vehicle operators simula sa Enero 1, 2024.
Pinanindigan ng ahensiya na hanggang sa huling araw na lamang ng Disyembre ang consolidation at ang mabibigong sumama sa kooperatiba ng mga transport group ay hindi na papayagang bumiyahe pagpasok ng 2024.
Kaya sinamantala ng Grupo ng mga Jeepney drivers na Manibela at Piston ang 12 araw na tigil pasada hanggang Disyembre 29, 2023 para marinig ng Gobyerno ang kanilang matinding pagtutol sa modernisasyon ng jeepney dahil pagpasok ng bagong taon mula Enero 1, 2024 ay wala na silang prangkisa.
Inaasahan ng dalawang grupo na mapaparalisa nila ang Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog sa ikinasa na panibagong tigil-pasada.

