SHALOM CLUB – NUEVA ECIJA CHAPTER, NAMAHAGI NG PAMASKO SA BAYAN NG NAMPICUAN

Idinaos ng Shalom Club, Nueva Ecija chapter sa pamumuno ni former Mayor Lorna Mae Vero ang taunang Christmas outreach program na may temang “Ngayong Pasko, Salo Tayo 2023” sa Recuerdo Elementary School sa Nampicuan, Nueva Ecija.

Ang Shalom Club ay isang NGO na binubuo ng mga alumni mula sa Nueva Ecija na naging scholars ng Israel’s Center for International Development Cooperation.

Layunin ng Club na makapagbigay ng libreng serbisyo sa sektor ng agrikultura, kalusugan, edukasyon at social services, katuwang si Israeli Ambassador Ilan Fluss na nagkaloob ng TV set para sa mga mag-aaral.

Bukod rito, ay nagbahagi rin ng mga regalo at pagkain ang organisasyon sa 179 na mag-aaral at mga guro.

Ayon kay Dr. Eugenia Baltazar, karapatdapat ang Nampicuan na matulungan ng Shalom Club dahil natukoy ito sa mga bayan sa lalawigan na mabagal ang pag-unlad.

Inaliw naman ni International Filipino Artist Elito “Amang Pintor” Circa mula sa bayan ng Pantabangan si Ambassador Fluss at mga bata sa kanilang hand painting session.

Nagpasalamat naman ang DepEd Nampicuan sa mga natanggap na tulong at regalo galing sa Shalom Club Nueva Ecija, Israel’s Agency for International Development Cooperation at Israel Embassy sa Pilipinas.