DAMBUHALANG ISDA NA MAY TIMBANG NA 163-KILO, NAHULI SA CATANDUANES AT NAIBENTA NG P17K
Pinagkaguluhan ng mga residente sa Barangay Cabcab, San Andres, Catanduanes ang dambuhalang isda na tumitimbang ng 163-kilo na nahuli ng mangingisdang si Joey Villegas Habana at kanyang kasama sa karagatan na sakop ng Catanduanes at Camarines Sur.
Nahuli ang isda na isa umanong grouper o Baraka fish at tinatawag na “Kogtong” sa lokal na dayalekto sa lugar, alas kwatro trenta ng umaga na hinatak ng bangka papunta sa baybayin ng naturang barangay.
Ayon sa marine biologist na si Mylene Sadagnot, ang mga groupers ay walang tiyak na paglaki dahil patuloy silang humahaba at lumalapad habang nabubuhay ang mga ito, kaya naman hindi umano karaniwan na makahuli ng ganito kalaking isda.
Lumalaki daw ang mga ito nang hanggang walong talampakan tulad ng goliath groupers na pinakamalaki sa kanilang uri.
May kakayahan din ang mga ito na baguhin ang kanilang kulay bilang pangdepensa.
Kinailangan naman ng tulong ng anim na katao ni Joey bago madala sa pampang ang dambuhalang isda.
Pinaghatihatian ng mga residente ang ulo ng isda habang ang 111-kilo na katawan nito ay naibenta ng mahigit Php17, 000.
Posible ding tumimbang ng hanggang 400 kilos ang ganitong klase ng isda ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na bihira lamang mahuli.

