PAYO PARA SA MGA FIRST TIME PARENTS
Hi mga mars, it’s me again Star Rodriguez-Piccio para sa ating Beauty, Health at iba pang Tips. Ngayon ay pag-uusapan natin ang ilan sa mga payo na makakatulong sa mga first time parents.
Mahirap at challenging ang pagiging isang magulang, lalo na kung first time parent ka. Kaya naman narito ang apat na tips mula kay Dr. Harver Karp, isang American pediatrician at author upang matulungan kayo sa bagong yugto ng inyong mga buhay bilang mga magulang.
Una, Yakapin ang mga pagbabago- Marami sa mga first time parents ang nagiging emosyonal at naiipit sa pagitan ng pakiramdam na kayang kaya nila ang pagiging isang magulang at wala silang sapat na kakayahan. Sa tingin ni Dr. Karp mas maganda kung iisipin ng isang magulang na kaya nilang maging isang ganap na ina o ama. Magiging matagumpay ka kung mananatili kang positibo at nakapokus sa mga pangunahing gawain ng isang magulang, gaya ng pagmamahal, pag-aaruga at pasensya sa inyong anak at sa inyong sarili.
Matulog hangga’t maaari! – Masaya at nakakapanabik maging isang magulang, ngunit nakakapagod din. Ang epekto ng pagtulog ay maaaring umayos o sumira ng iyong mood, kumpiyansa, at ng iyong pasensya. Ang kakulangan sa tulog ay maaaring magparamdam sa iyo ng kalungkutan, nerbiyos, at nagiging sanhi ng kapahamakan at pagkakasakit. Ibinahagi ni Dr. Karp ang mga paraan upang maging maayos ang tulog ng mga sanggol na tinawag niyang 5 S’s na makatutulong din upang makatulog ng maayos ang mga magulang. Ang 5 S ay ang safe swaddling o Tamang pagbalot sa sanggol, all-night swinging o pagduyan sa bata, and continuous and responsive shushing/white noise o tuloy-tuloy na paghele, side or stomach position (nakatagilid na paghiga), at ang huli ay sucking (pagdede, o pagtulog ng may pacifier).
Tumanggap ng tulong- Ang payo ni DR. Harvey karp sa mga first time parents, huwag mag-atubiling humingi ng tulong. Kung maaari lang ay huwag kang mag-atubiling magbayad ng sinuman para tulungan ka. Maging ito man ay isang propesyunal para sa postpartum, isang yaya, o kahit pa mga kaibigan at pamilya mo. Alinman sa mga bagay na ito ay maaaring makatulong nang malaki sa pagpapagaan ng bigat ng pagiging isang magulang.
Alagaan at ingatan ang kapareha -Ang pag-aalaga sa iyong anak ay kalahati lamang ng iyong obligasyon, ang kalahati ay ang pagbibigay sa iyong partner ng TLC o tender, love, and care. Dapat may oras din kayong magkasintahan para sa isa’t isa, manood ng sine, at mamasyal.

