2 PALAPAG NA ISOLATION FACILITY, IPINAGKALOOB NG DEPARTMENT OF HEALTH SA NUEVA ECIJA
Magagamit na ang 2-storey building na tinawag na Nueva Ecija Isolation Facility na ipinagkaloob ng Department of Health sa lalawigan ng Nueva Ecija na matatagpuan sa compound ng ELJ Memorial Hospital.
Ito ay matapos na pagtibayin sa 43rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na pumasok sa isang kasunduan at lumagda sa Deed of Donation ng DOH kaugnay ng COVID-19 Emergency Response Project na “Upgrading of Isolation Facilities in LGU Hospitals Region III – ELJ Memorial Hospital”.
Ayon kay Provincial Health Officer II Dra. Josefina Garcia, ang gusali ay natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan noong pandemya na magsisilbing isolation facility ng mga COVID patients.
Aniya, bagaman nang matapos ang building ay hindi na gaanong marami ang kaso ng COVID ay inilaan ang pasilidad sa ibang mga pasyenteng mayroong infectious diseases o nakahahawang sakit.
Aabot sa tatlumpo hanggang apat napong pasyente ang maaari aniyang maaccomodate ng gusali.
Dagdag ni Dra. Garcia, habang wala pa namang banta ng pagkalat ng mga nakahahawang sakit sa lalawigan tulad ng COVID ay maaari din itong magamit bilang karagdagang ward ng naturang ospital.

