BOGA, KWITIS, MAY PINAKAMARAMING KASO NG FIREWORKS-RELATED INJURY SA NUEVA ECIJA
Umabot sa 109 na kaso ng fireworks-related injury ang naitala ng Provincial Health Office- Provincial Epidemiology and Surveillance Unit sa lalawigan ng Nueva Ecija as of January 6, 2025.
Sa mga kasong ito, ang mga biktima ng boga at kwitis ang may pinakamaraming bilang.
Base sa kanilang datos, nakapagtala ng 22 kaso ng injury mula sa boga, at 20 naman mula sa kwitis.
Tumaas ng 58% ang mga kaso ng injuries dulot ng paputok sa pagsalubong sa 2025 kumpara noong 2024, kung saan karaniwang naapektuhan ang mga biktima sa kanilang mga binti, kamay at ulo.
Ayon kay Dra. Josefina Garcia, Provincial Health Officer II, ang mga biktima ay may edad mula tatlong taon hanggang pitumpo’t walong taon, na karamihan ay nasa edad sampo hanggang labing apat, kung saan 80% sa kanila ay mga kalalakihan.
Nakapagtala din ng isang casualty sa lalawigan na isang 78-year-old na lolo sa bayan ng Cuyapo na gumawa at nagbilad ng mga paputok.
Sumabog umano ang mga ito habang sinasamsam ng lolo at nagdulot ng matinding pinsala sa kanyang katawan, na dahilan ng kanyang pagkasawi.
Naitala rin ang isang kaso ng stray bullet sa bayan ng Quezon kung saan isang 34-anyos na biktima ang tinamaaan ng bala sa hita na nasa mabuting kalagayan na ngayon.
Ayon pa kay Dra. Garcia, nagsimula ang kanilang monitoring noong December 21 at magpapatuloy ito hanggang January 21.
Dagdag ni Dra. Gracia na bahagi na ng selebrasyon ang paggamit ng paputok, ngunit nagbigay siya ng paalala na sana’y naging mas maingat ang ating mga kababayan upang maiwasan sana ang mg aksidente at pinsala sa ating katawan.

