BIKTIMA NG NAGDAANG BAGYONG PEPITO MULA SA RIZAL, NANANATILING MATATAG AT PATULOY NA LUMALABAN SA KABILA NG TRAHEDYA
Sa lumipas na trahedyang dulot ng nagdaang bagyong Pepito, isang kwento ng pagsubok at pag-asa ang ibinahagi ng isang haligi ng tahanan sa programang “Count Your Blessings” nina Congresswoman Cherry Umali at Dra. Kit De Guzman.
Si Fernan Lapurga, mula sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija ay isang ama, na nawalan ng asawa at anak matapos silang tangayin ng rumaragasang baha mula sa bundok.
Kasama ang kanyang pamilya, sinubukan umano nilang lumikas, ngunit sa bilis ng pagtaas ng tubig, ay hindi na nila nagawang makatakas.
Ayon kay Fernan, nanatili siya sa tabi ng kanyang pamilya hanggang sa huli, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nagawang kumapit pa ng kanyang asawa at isang 13-anyos na anak kaya nahiwalay ang mga ito at tuluyang inagos ng tubig.
Kwento pa ni Fernan, himala siyang nakaligas kasama ang kanyang panganay na anak at pamangkin, kaya kinabukasan ay agad nilang hinanap ang kanyang mag-ina, ngunit natagpuan ang mga ito na wala nang buhay makalipas ang limang araw ng kanilang paghahanap.
Sa kabila ng sakit na pinagdadaanan, nananatiling matatag si Fernan, at patuloy na nananalangin para sa lakas na harapin ang kanyang buhay at hilingin na sana’y nasa mabuti nang kalagayan ang kanyang mag-ina.
Ipinagpapasalamat din niya ang mga taong ginamit Ng Panginoon upang sila ay matulungan, kabilang na dito ang kanilang mga kamag-anak, at lokal na pamahalaan na sumagot sa lahat ng kanilang pangangailangan.

