15 PERCENT DAGDAG SA SSS CONTRIBUTION, PWEDE UMANONG IPASA SA MGA MAYAYAMANG MIYEMBRO SA PAMAMAGITAN NG SUBSIDY PROGRAM

Sa kabila ng panawagan ng ilang mambabatas na suspendihin ang dagdag singil sa kontribusyon ng mga Social Security System (SSS) members ngayong taon ay tuloy na ang implementasyon ng pagtaas nito ngayong buwan ng Enero.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer (CEO) Robert Joseph M. de Claro, kailangang malaman ng publiko na kapag ipinagpaliban ang paniningil ng dagdag kontribusyon ay mahihirapan din ang mga miyembro na makuha ang benepisyong dapat nilang matanggap.

Naiintindihan umano nila ang sintemyento ng ibang grupo, subalit bukod sa maapektuhan ang mga miyembro ng SSS ay sinusunod lang nila ang batas na nakapaloob sa probisyon ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, na sinimulan pa noong 2019.

Base rito, magkakaroon ng isang porsyentong pagtaas sa kontribusyon kada dalawang taon simula 12 percent noong 2019 hanggang umabot ito ng labinlimang porsyento ngayong 2025.

Simula ngayong Enero, ang bahagi na ng employer ay magiging 10 percent, habang ang kontribusyon ng empleyado ay mananatili sa limang porsyento.

Kaya sa halip na suspindihin, hinikayat ni de Claro ang mga mambabatas na bumuo at isulong ang tinatawag na Contribution Subsidy Program (CSP) kasunod ng pagtaas ng kontribusyon ng mga miyembro nito.

Baka puwede aniyang i-subsidize nila para sa mga miyembro ang dagdag singil na Php190.00 sa kontribusyon ng SSS.

Naniniwala si de Claro na sa pamamagitan ng CSP, maaaring manghingi ng pondo mula sa mga mayayamang indibidwal upang matulungan ang mga self-employed, mga manggagawang Pilipino na may mabababang sahod at iba pang sektor na nahihirapan sa pagbabayad ng kanilang kontribusyon.