BABALA! SENSITIBONG BALITA:

12 LUGAR SA CENTRAL LUZON, KABILANG ANG NUEVA ECIJA, INIREKOMENDANG ELECTION AREAS OF CONCERN

Iminungkahi ng Police Regional Office (PRO) 3 sa Commission on Elections (Comelec) na ideklara bilang election areas of concern ang labindalawang lugar sa Nueva Ecija, Bataan, Bulacan, at Pampanga para sa midterm election na gaganapin sa May 12, 2025.

Paliwanag ni PRO 3 Director Brig. Gen. Redrico Maranan, batay sa kasaysayan ang Central Luzon ay mayroong matinding political rivalry o magkakalaban sa pulitika, at nakapagtala dito sa rehiyon ng karahasan sa mga nakalipas na eleksyon.

Nagdagdag na umano ng mga pulis at iba pang logistical resources sa mga lugar na tinukoy para matiyak ang seguridad, kabilang dito sa Nueva Ecija na mahigit dalawandaang pulis ang idineploy.

Kaugnay nito inihayag rin ni Maranan na limang criminal gang na ang nabuwag sa huling bahagi ng nakaraang taong 2024.

Kaya ang natitirang isang private armed group (PAG) na lang sa rehiyon partikular na dito sa lalawigan ng Nueva Ecija ang kanilang tinututukan.

Pinaigting din ng PRO 3 ang kampanya laban sa loose firearms, kung saan mahigit 1,300 na baril ang nakumpiska mula buwan ng Oktubre hanggang Disyembre noong 2024 sa pamamagitan ng checkpoint operations at search warrants.