MGA MAGULANG NI MARY JANE VELOSO, PATULOY NA NANANAWAGAN NG HUSTISYA AT CLEMENCY PARA SA KANILANG ANAK
Inilahad ng mga magulang ni Mary Jane Veloso ang pinakabagong impormasyon tungkol sa kalagayan ng kanilang anak, na naaresto dahil sa pagkakaroon ng 2.6 kilo ng heroin sa kanyang bagahe sa Indonesia noong 2010.
Si Veloso ay nahatulan ng kamatayan ngunit ipinagpaliban ang kanyang bitay noong 2015, ilang minuto bago ito isagawa, upang mabigyan siya ng pagkakataong tumestigo laban sa mga umano’y illegal recruiter na nanloko sa kanya.
Noong Disyembre 2024, kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia na nagpapahintulot sa repatriation ni Veloso upang makapiling ang kanyang pamilya at mabigyan ng posibleng clemency.
Ayon sa Ama ni Mary Jane na si Ginoong Cesar Veloso, maayos ang kalagayan ng kanilang anak sa correctional facility ngunit madalas itong mangulila dahil nais na nitong makasama ang kanyang pamilya.
Dagdag pa ng Ina ni Mary Jane na si Ginang Celia Veloso, sa susunod na hearing ng kanyang anak sa Pebrero, nakatakdang kunin ang pahayag nito bilang bahagi ng proseso ng paghahabla laban sa mga nasa likod ng kanyang pagkakaaresto.
Ayon pa sa abogado ni Veloso na si Atty. Edre Olalia, ang nasabing hearing na gaganapin sa Nueva Ecija Regional Trial Court sa Baloc, Santo Domingo ang unang pagkakataon na haharapin ni Mary Jane ang kanyang mga illegal recruiters, kaya mahalaga umanong personal siyang makadalo upang maging “crucial witness” sa kasong human trafficking, estafa, at illegal recruitment laban sa kanyang mga recruiters na sina Christina Sergio at Julius Lacanilao.
Samantala, nanawagan din si Ginang Veloso kay Pangulong Marcos Jr. na tuluyan nang mabigyan ng clemency ang kanilang anak dahil labis na itong nagdusa matapos ang halos 15 taong pagkakakulong nito.

