PHP400-MILLION BRANDING BUDGET SA TURISMO, PINABABALIK NI PBBM
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Budget and Management (DBM) na ibalik ang Php400 milyong branding budget para sa Department of Tourism (DOT) sa ginanap na pulong kay Tourism Secretary Esperanza Christina Garcia Frasco sa Palasyo ng MalacaƱan noong Miyerkules.
Ang pondo ay manggagaling umano sa contingency fund ng Presidente.
Paliwanag ni Pangulong Marcos, nagsisimula na ang Pilipinas sa pagpapalakas ng internasyonal na imahe, kaya ayaw niyang mawala ang momentum ng gobyerno kasunod ng pagsikat nina two-time gymnastics world champion Carlos Yulo at ang The Voice US champ na si Sofronio Vasquez, na parehong nagdulot ng karangalan sa ating bansa.
Ang muling pagbabalik ng nasabing budget ay pormal na hiniling ng DOT upang suportahan ang mga pagsisikap sa kampanya para sa turismo.
Sa presentasyon ni Frasco, sinabi nito na ang kulang na pondo sa DOT ay hahantong sa pagbawas ng pakikipag-ugnayan sa mga target na madla, mas magiging kaunti ang pagkakataon sa kalakalan at pag-activate ng consumer, kawalan ng exposure sa pandaigdigang media, at iba pa.
Dahil aniya sa pandaigdigang kampanya ng gobyerno para palakasin ang turismo, nakakuha ang bansa ng PhP760 bilyon sa mga international visitor receipts mula January 1, 2024 hanggang December 31, 2024.
Idinagdag ni Frasco na ang mga dayuhang turista ay nanatili na umano ng mas matagal dito sa Pilipinas sa average na labing isang gabi noong 2024 kumpara sa siyam lamang noong 2019.

