LALAKI, NABARIL NG BAYAW SA PENARANDA; MAGSASAKA, TINAKASAN ANG CHECKPOINT SA SAN JOSE CITY, NAKUHANAN NG BARIL

Arestado ang dalawang suspek na nahulihan ng mga baril sa magkahiwalay na insidente sa bayan ng Penaranda at San Jose City resulta ng pina-igting na pagpapatupad ng Nueva Ecija Provincial Police ng gun ban para sa 2025 National and Local Elections.

Ayon kay PCOL Ferdinand Germino, NEPPO Provincial Director, 5:45 ng hapon noong January 13, 2025
nang rumesponde ang Peñaranda Police sa report na aksidenteng nabaril ng kanyang bayaw habang ininspeksyon ang isang homemade pistol ang trenta’y tres anyos na si Nilo Mallari sa kanyang balikat sa apartment ng kanilang kaibigan sa Barangay Las Piñas, Peñaranda.

Ipinagamot naman ng kanyang bayaw ang biktima sa Nueva Ecija Medical Center sa bayan ng San Leonardo. Ngunit sa follow-up operation ng mga pulis ay dinakip ang suspek at nakuha umano sa kanya ang homemade 9mm pistol na kargado ng limang bala.

Samantala, alas syete naman ng gabi ng parehong petsa, nang balewalain ng trenta’y kwatro anyos na magsasaka na residente ng Barangay Homestead 1, Talavera ang COMELEC Checkpoint sa Calaocan-Camanacsacan Road, Barangay Calaocan, San Jose City nang dumaan siya doon sakay ng Honda TMX 155 motorcycle.

Dahil dito ay tinugis siya ng mga pulis at nakuhanan umano ng isang homemade caliber .38 revolver na may limang bala.