PAGSASAAYOS SA GYM NG BRGY. MANACNAC, PALAYAN CITY, PINAGTIBAY NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN
Mahigit dalawampong taon nang napakikinabangan ng mamamayan ng Brgy. Manacnac, Palayan City ang Multi-purpose Facility na ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija at sa katagalan ng panahon ay nagkaroon na rin ito ng mga sira.
Sa kahilingan ni Governor Aurelio Umali na bigyang pahintulot na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng naturahg barangay ay pinagtibay sa 42nd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang pagkakaloob ng Php2.4 million para sa pagsasaayos ng kanilang pasilidad.
Ayon kay Kapitan Lorence Mark Ruzo, isa sa pinakanagagamit at kapakipakinabang na proyektong naihandog sa kanilang barangay ang gym na pinagdarausan ng iba’t ibang programa at aktibidad sa kanilang lugar.
Nagagamit din aniya ito ng kanyang mga nasasakupan kapag nagkakaroon ng mga pabinyag o debut at naipahihiram din sa mga karatig barangay na nangangailangan.
Aniya, nagkaroon na ng mga butas ang kanilang gym at mga sira dulot ng mga nagkadaang bagyo kaya hirap na silang magamit ito tuwing tag-ulan dahil nagkakaroon na ng tubig ang sahig nito.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Kapitan Ruzo kina Governor Aurelio Umali at sa Sangguniang Panlalawigan sa agarang pagtugon sa kanilang kahilingan.
Kasama din niyang ipinagpasalamat ang dati ng tulong na naipagkaloob sa kanilang lugar kabilang ang solar street lights na nailagay sa bawat purok ng barangay, pagpapasemento ng mga iskinita at iba pa.
Inaasahang aabutin ng isang buwan ang pagsasaayos ng kanilang gym at muli na nila itong magagamit ng walang pangamba, umulan man o umaraw.

