TATLONG LINGGONG MAGKAKASUNOD NA PAGTAAS SA PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO NGAYONG 2025, IPINATUPAD
Naitala kahapon, January 21, 2025 ang pangatlong linggong magkakasunod na pagpapatupad sa pagtaas ng presyo ng fuel ngayong taong 2025.
Sa magkakahiwalay na advisory, sinabi ng mga kompanyang Caltex, Clean Fuel, Shell Pilipinas, Petron Corporation, Seaoil, PTT, Total, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, na aakyat hanggang Php2.70 per liter ang halaga ng diesel.
Habang ang gasolina ay tataas ng Php1.65 bawat litro at kerosene Php2.50 kada litro.
Paliwanag ni assistant director Rodela Romero ng Department of Energy (DOE)-Oil Industry Management Bureau, ang pagsipa ng pump prices ay maaaring matunton sa mga parusa na ipinataw ng Estados Unidos laban sa Russia, na posibleng humantong sa pagbawas sa pag-export ng nasabing bansa.
Sanhi ng pagkawala ng supply mula sa Russia na isa sa pinakamalaking producer ng langis sa mundo ay maitutulak umano pataas ang pandaigdigang halaga ng krudo, gayundin ang shipping cost.

