CASH BENEFITS NG MGA SENIOR CITIZEN, DAPAT NA UMANONG IPAMAHAGI

Nagbabala si Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. sa National Commision of Senior Citizens (NCSC) sa posibleng mangyari sakaling mabigong ipatupad ang RA 11982 o mas kilala sa Expanded Centenarian Law ngayong Enero.

Ayon sa senador, dapat umpisahan na ng NCSC ang pamamahagi ng mga benepisyo para sa mga senior citizens upang maiwasan ang pagkadismaya ng mga lolo at lola sa bansa na matagal nang hinihintay ang mga karampatang benepisyo para sa kanila alinsunod sa nabanggit na batas na March 2024 pa nilagdaan ng pangulo.

Ang Expanded Centenarian Act na tinaguriang ‘Revilla Law’ ay nagbibigay ng cash gift sa mga senior citizen ng halagang P10,000 kapag sumapit sila sa mga edad na 80, 85, 90 at 95 samantalang ang aabot sa edad na 100 o centenarian ay tatanggap naman ng P100,000.

Tiniyak umano ni Senator Revilla na may pondo ito mula sa 2025 National Budget at nakipag-ugnayan siya sa DBM kaya nasa kamay na ngayon ng NCSC ang full implementation ng batas kung saan walang lolo at lola na mapag-iiwanan sa nasabing programa.

Tinatayang nasa 200,000 na senior citizens ang magbebenepisyo sa ilalim ng batas kaya naman patuloy ang apela ni Senador Revilla sa NCSC na dapat nakahanda na ang payout at maisagawa na ito ngayong Enero 2025.