BABALA! SENSITIBONG BALITA:

APAT NA SUSPEK SA ONLINE SCAM SA TALAVERA, ARESTADO; PANGUNAHING SUSPEK, NAKATAKAS

Nahaharap sa kasong Syndicated Estafa na walang piyansa ang limang suspek sa online scam sa isinagawang entrapment operation ng kapulisan sa Barangay Burnay, Talavera noong 1:20 ng madaling araw ng January 19, 2025.

Kinilala ang biktimang nagsampa ng reklamo na si Renz Cezar Cordova, 32 years old, co-owner ng G Racing, at residente ng Barangay MS Garcia, Cabanatuan City.

Habang ang apat na suspek na naaresto ay isang 25-year-old na lalaki at bente dos anyos na babae kapwa mula sa Barangay Burnay; dalawa pang lalaki na ang isa ay edad dalawanpo’t walo parehong residente ng Barangay San Pascual, Talavera.

Samantala ang nakatakas na pangunahing suspek ay isang bente kwatro anyos na lalaki.

Ayon sa Nueva Ecija Provincial Police, nagkunwaring buyer at reseller ng mga piyesa ng motor ang pangunahing suspek.

Umorder umano ito kay Cordova ng mga piyesa na nagkakahalaga ng Php 809,500.00 at nagpadala ng pekeng online transaction slip bilang patunay na nagbayad ito.

Dahil inakalang lehitimo ang slip ay ipinadala ng biktima sa Lalamove ang mga order nito. Ngunit, natuklasan niyang peke ang transaction slip nang i-verify nya ang bayad ng suspek sa kanyang bangko.

Kaya kaagad na dumulog si Cordova sa Talavera Police Station, na mabilis na tumugon at nag-set up ng entrapment operation kung saan nahuli ang apat na nasa kanila ang mga piyesa ng motor. Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang tumakas na pangunahing suspek.