LALAKI, INIWAN UMANO NG KASINTAHAN MATAPOS NIYA ITONG PAG-ARALIN SA KOLEHIYO

Viral sa social media ang pagbabahagi ni Jay-ar Budta Manapos sa kanyang masakit na sinapit sa pakikipagrelasyon sa babaeng kanyang inibig at pinag-aral sa kolehiyo ngunit iniwan aniya siya nang wala man lang paalam matapos nitong makuha ang kanyang diploma.

Sa kanyang Facebook post ay ikinuwento ni Jay-ar na high school pa lamang noon ang kanyang kasintahan ay nagsikap na siyang tulungan ito sa kanyang mga pangangailangan dahil batid niyang kapos ito sa pinansyal.

Pumasok aniya siya bilang drayber, construction worker at nagtrabaho sa bukid upang matustusan ang pag-aaral nito at patuloy na nagsakripisyo ng apat pang taon para naman sa kanyang pag-aaral sa kolehiyo at nanatiling nakasuporta at naging sandalan nito sa panahon ng kagipitan.

Labis din aniya ang kanilang kasiyahan nang sa wakas ay makamit nito ang kanyang diploma dahil sa puntong iyon ay hindi lamang iyon tagumpay ng kanyang nobya kundi kanya na ring tagumpay bilang katuwang at kasama sa hirap at saya.

Sinabi pa nito na ang lahat ng kanyang sakripisyo ay ginawa niya ng walang pag-aalinlangan at pagsisisi sapagkat minahal niya ito ng sobra, ngunit sa kabila ng lahat ay isang masakit na pangyayari pala sa kanyang buhay ang kanyang mararanasan.

Dalawang linggo matapos ang graduation ay umalis aniya ng bahay ang kanyang kasintahan, bitbit ang mga gamit nang hindi man lang nagpaalam sa kanya, at makalipas ang isang buwan ay nalaman niyang may iba na itong kasintahan.

Naglabas din ng kanyang side sa kanyang Facebook account ang dati nitong nobya na si Noralyn Longpayon na dumaranas aniya ng mental health issues tulad ng stress dahil sa natanggap na mga panghuhusga sa kanya ng netizens dahil sa viral post ng kanyang ex-boyfriend.

Sa kanyang post ay sinabi niyang ilang beses niyang sinabi kay Jay-ar na ayaw nito sa manginginom ng alak ngunit hindi siya pinakinggan nito at hindi rin nagbago sa kanyang bisyo.

Lumayo aniya siya upang magtrabaho at nalaman niyang patuloy pa rin ito sa pag-inom hanggang sa makilala niya ang kanyang naging bagong kasintahan na kapareha niyang propesyunal kung saan niya nakita ang mas magandang kinabukasan.

Kung anuman aniya ang ginawang sakripisyo ng ex-boyfriend nito ay binigay niya iyon ng kusa at hindi dapat isumbat sa kanya, kaya sa huli ay sinabi nitong maghahanap siya ng legal advice laban sa mga ginawa nitong pagpapahiya sa kanya sa social media.