DEKLARASYON NG FOOD SECURITY EMERGENCY, KAILANGAN UPANG MAILABAS ANG BUFFER STOCK NA BIGAS NG NFA

Kahit bumaba na umano ang presyo ng bigas sa merkado ay kailangan pa rin umano ng deklarasyon ng Food Security Emergency.

Paliwanag ni Department of Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, bagaman patuloy ang pagbaba ng lokal na halaga ng bigas dahil sa pagbaba ng presyo sa pandaigdigang pamilihan, ang emergency declaration ay makakatulong upang maipalabas ang buffer stock mula sa mga bodega ng National Food Authority (NFA).

Kapag naideklara na aniya ang emergency sa food security, ang mga stock mula sa NFA ay maaaring ibenta sa mga local government units sa Metro Manila sa P36.00 kada kilo, at maaaring maipagbili sa mga wet market sa P38.00 bawat kilo.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito, wala pang natatanggap ang DA na kopya ng resolusyon ng National Price Coordinating Council na nagrerekomenda ng emergency sa seguridad ng pagkain dahil patuloy pa rin umano itong iniikot sa mga miyembro para sa kanilang komento.

Gayunman, kumpiyansa ang DA na magkakaroon ng resolusyon para mailabas ang bigas sa mga wet market bago sumapit ang February 1.

Sa ilalim ng Republic Act 12708 o Agricultural Tariffication Law, may kapangyarihan ang kalihim ng DA na magdeklara ng food security emergency kung may ‘extraordinary increase’ sa presyo ng bigas o kung may malawakang kakulangan ng stock ng bigas sa bansa.