2ND TRANCHE NG SALARY INCREASE, MATATANGGAP NA NG GOV’T WORKERS
Matatanggap na ng civilian government workers ang ikalawang tranche ng salary increase matapos lagdaan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman ang National Budget Circular No.597, na nagtatakda ng guidelines, rules at regulations nito.
Ayon kay Sec. Mina, ipatutupad na ito ngayong January 2025 upang makatulong na mai-angat ang kalidad ng pamumuhay ng mga kawani ng gobyerno.
Inisyu ang nasabing Circular na naaayon sa pagpapatupad ng updated Salary Schedule para sa mga Civilian Personnel alinsunod sa Executive Order (EO) Np. 64, s. 2024, na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. noong Agosto 2024.
Nakasaad sa EO No. 64 na ang updated na Salary Schedule ay dapat ipatupad sa mga National Government Agencies sa apat (4) na tranches, kung saan ang unang tranche ay simula January 1, 2024, ang ikalawa sa January 1, 2025, ang ikatlo simula sa January 1, 2026 , at ang ikaapat at huling tranche ay magsisimula sa January 1, 2027.
Ang salary increase ay para sa lahat ng civilian government personnel, na umiiral o nilikha sa mga Sangay ng Ehekutibo, Lehislatibo, at Hudikatura, mga Constitutional Commission at iba pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges (SUCs), at Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), na hindi sakop ng Republic Act (RA) No. 10149 and EO No. 150, s. 2021.
Samantala, hindi naman saklaw ng Circular ang mga military at uniformed personnel; government agencies na exempted sa RA No. 6758; GOCCs sa ilalim ng RA No. 10149 at EO No. 150; mga indibidwal na nagtatrabaho na walang employer-employee relationship at pinondohan ang posisyon mula sa non-Personnel Services appropriations/budgets.
Ang halaga na kailangan para sa salary adjustment ng mga civilian government workers para sa Fiscal Year 2025 ay kukunin sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund at kahit anong available appropriations sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act (GAA).
Para sa mga GOCC na sakop ng Circular, ang halaga ay manggagaling sa kani-kanilang corporate operating budgets na aprubado ng DBM.
Bigyang-diin ng DBM na ang guidelines para sa local government units (LGUs) ay saklaw naman ng isang hiwalay na Circular.

