PILOTONG NASAWI SA GUIMBA, NUEVA ECIJA, ANAK NG BILYONARYO
Nasawi ang 25-anyos na babaeng piloto na si Julia Flor Monzon Po na kumpirmadong anak ng aviation king at bilyonaryong si Archie Po, nang bumagsak sa isang sapa ang sinakyan nitong helicopter na may body number na RP-C3424 sa Purok Arimung-mong, Brgy. San Miguel, Guimba, Nueva Ecija noong February 1, 2025.
Nakaburol na sa Heritage Park sa Taguig City ang mga labi ng piloto kung saan bumuhos ang mga nakiramay kabilang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na huling naging pasahero ng biktima bago naganap ang aksidente.
Base sa ulat, umalis ng Maynila noong February 1 dakong alas dyes bente dos ng umaga ang biktima para ihatid sa Baguio City si Dela Rosa, mula doon ay lumapag ito sa Binalonan, Pangasinan para magpa-refuel bandang alas dose ng tanghali, nang pabalik na ito sa Maynila ay nagka-aberya at bumagsak ang minamaneho nitong helicopter sa bayan ng Guimba.
Ipinadala naman ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang lead investigator ng Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board sa lugar ng insidente upang tuklasin ang sanhi nito matapos makatanggap ang Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center ng ilang mga emergency alert.
Tinataya umanong aabutin ng isang buwan bago matapos ang kanilang imbestigasyon sa naturang insidente kung saan kasama sa kanilang imbestigasyon ang record ng helicopter at ng piloto, panahon, at engine o makina ng helicopter.
Malapit na kaibigan naman ng pamilya si Willie Revillame na kasama ng kapatid at ama ng biktima nang kunin ang bangkay nito sa Nueva Ecija noong Sabado ng gabi.

