HUSAY SA PAG-AWIT NG PINAY PERFORMER, KINILALA SA DUBAI
Taas noong ipinagmalaki ng 30 anyos na Pinay na si Nilisa Marie Barredo Victor mula sa Mandaon, Masbate, ang husay ng talentong Pinoy nang magtanghal siya sa selebrasyon ng 20th Anniversary ng Emirates International Peace Music Festival mula Nov. 29-Dec. 30, 2024.
Isa ito sa kanyang itinuturing na pinakamalaking event na kanyang nalahukan dahil bukod tanging siya lamang ang Pilipinong napabilang dito upang magtanghal, kung saan nabigyan siya ng spotlight.
Pagbabahagi ni Nilisa o Marie Gold, bata pa lamang siya ay nahilig na ito sa pag-awit at pagtugtog ng gitara at keyboard dahil sa kanilang ina na bumuo ng choir kung saan miyembro silang tatlong magkakapatid.
Taong 2022 nang matanggap si Marie Gold bilang Music Teacher sa Dubai at doon nakakilala ng iba’t ibang musikero na naging tulay para maisama siya sa ilang mga pagtatanghal.
Sa kasalukuyan ay kabilang siya sa Emirates Youthful Symphony Orchestra bilang singer o soprano at kamakailan lang ay natanggap sa UAE-Phil Harmonic Orchestra bilang cellist, at miyembro din siya ng Emirates Musician Association at Stage Creatures na nagpeperform sa iba’t ibang lugar.
Dahil sa mga grupong ito ay mas lumawak pa ang naging pagtatanghal ni Marie Gold at mas naipamalas at mas nakilala ang angking galing nito sa pag-awit at pagtugtog.
Tatlong pagkilala na rin ang kanyang natanggap mula sa Emirates International Peace Music Festival, Dubai Media City, at SAE Institute Dubai.
Bago marating ang kanyang kinaroroonan ay humarap din aniya sa mga pagsubok tulad ng pagsasakripisyong malayo sa kanyang pamilya, magkaroon ng problema sa pinansyal, at pagkatalo sa mga auditions, ngunit hindi ito naging hadlang upang magpatuloy siya sa pag-abot sa kanyang pangarap.
Payo ni Marie Gold sa kapwa Pilipinong nangnanais na maging performer din na huwag matakot mangarap anuman ang pagsubok na dumating, dapat aniya ay manatiling determinado, tapat sa sarili, magsikap at huwag kalimutang magpasalamat sa mga oportunidad.

