PCIJ Exposé: Malalaking Budget Insertions Lumutang

Sumabog ang isyu ng budget insertions matapos ilantad ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) na dalawang kongresista ang nanguna sa pinakamalalaking dagdag-pondo sa panahon ng House deliberations, na karamihan ay nakaangkla sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ay kasabay ng patuloy na pagre-reconcile ng bicameral conference committee sa magkaibang bersyon ng House at Senate para sa ₱6.793-trillion 2026 national budget.

Dy at Suansing, Nanguna sa Listahan

Ayon sa PCIJ, nanguna si Rep. Faustino “Bojie” Dy III ng Isabela, 6th District sa pagtanggap ng bilyon-bilyong pisong DPWH insertions, na malayo umano sa orihinal na alokasyon at hindi tugma sa mga pamantayan gaya ng population at poverty incidence.

Samantala, pumangalawa si Rep. Mikaela Suansing (Nueva Ecija), na ayon sa ulat ay halos nadoble ang pondo ng kanyang distrito, na muling nakatuon sa DPWH. Dahil dito, lumalakas ang tanong kung paano at bakit may mga distritong biglang binuhusan ng pondo.

Open Bicam at Livestreamed Deliberations

Kasabay ng isyu, nagsimula noong December 13, 2025 ang makasaysayang livestreamed bicam proceedings, matapos mag-adopt ang House ng concurrent resolution para sa isang “open and transparent bicam.” Layunin nitong maibalik ang tiwala ng publiko matapos ang mga nakaraang corruption scandals. Itinutuloy ang usapan ngayong December 15.

Malalaking Reallocations at Budget Cuts

Sa unang araw ng deliberations, inaprubahan ang budgets para sa education, health, at agriculture, kabilang ang ₱33 billion farm-to-market roads na ililipat sa Department of Agriculture (DA). Mayroon ding ₱255 billion na flood control funds sa DPWH na inilipat sa mga nasabing sektor.


Gayunman, nananatiling kontrobersyal ang ₱54 billion DPWH budget cuts sa Senate version, gayundin ang unprogrammed funds at ang alokasyon para sa PhilHealth.

Ratipikasyon at Panawagan ng Publiko

Target ng bicam na maratipika ang final budget bandang December 22 upang mapirmahan ni President Ferdinand Marcos Jr. bago matapos ang taon. Habang papalapit ang pinal na bersyon, mas lumalakas ang panawagan ng publiko: kanino ba talaga napupunta ang pera ng bayan?

Ano ang Budget Insertion

Ang budget insertion ay mga pondong idinadagdag ng mga mambabatas na wala sa orihinal na agency proposal, karaniwang ipinapasok sa deliberations. Madalas itong para sa infrastructure projects at itinuturing ng mga watchdog bilang modernong anyo ng pork barrel dahil sa kakulangan sa transparency at malinaw na pamantayan.